5 magsasaka sa Masbate, minasaker

Limang magsasaka ang minasaker ng mga pulis noong Oktubre 24, sa Barangay Bugtong, Mandaon, Masbate. Pinalabas ng pulis na mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga biktima na umano’y nanlaban nang aarestuhin, bagay na pinabulaanan ng BHB-Masbate. Inaalam pa ng BHB ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Sa Barangay Poblacion, Ninoy Aquino, Sultan Kudarat, pinatay ng mga tauhan ng 7th IB ang kontra-minang aktibista na si Filimon Agsim noong Oktubre 22. Pinalalabas ng militar na nagpatiwakal ang biktima ngunit ayon sa kanyang pamilya, bugbog-sarado at may mga palatandaan ng pagpapahirap ang bangkay ni Agsim.

Iligal na pag-aresto. Sa Bulacan, 40 na mangingisda, kabilang ang anim na bata, ang dinakip ng mga sundalo at CAFGU sa Barangay Pamarawan, Malolos noong Oktubre 29. Dinala ang mga biktima sa detatsment sa Barangay Taliptip sa katabing bayan ng Bulacan. Doon ay sapilitan silang pinagtrabaho. Pitong iba pang residente, kabilang ang isang bata, ang sapilitan ding pinagtrabaho doon sa araw na iyon.

Leave a comment