Irolbak ang presyo ng langis!

Tiba-tiba ang lokal na mga kumpanya ng langis sa abot-langit na pagsirit ng mga presyo ng produktong petrolyo nitong nagdaang dalawang buwan. Mula Enero ngayong taon, lampas ₱18 kada litro na ang itinaas ng presyo ng diesel at ₱20 kada litro ng gasolina. Mahigit ₱100 na rin ang itinaas ng presyo ng 11-kilong tangke ng LPG. Kasabay ng pagtaas ng kita ng mga kumpanya, tumaas din ang nalikom na pondo ng kurakot na rehimeng Duterte mula sa patong-patong na buwis na ipinataw nito sa langis.

Ang lahat ng ito ay dagdag na pasanin ng mamamayang Pilipino na una nang nakuba sa taas ng presyo ng mga bilihin at bawas na kita at sahod dulot ng pandemya. Sa taya ng Ibon Foundation, mula lamang Setyembre, tumaas nang ₱97.50 kada araw ang gastos ng mga drayber ng dyip sa 11 litro ng gasolinang kinokonsumo sa araw-araw. Nadagdagan din nang ₱1,653 ang gastos ng isang magsasaka na gumagamit ng 190 litro ng diesel kada ektarya sa isang siklo ng pagtatanim.

Ayon naman sa Pamalakaya, nagdagdagan ng ₱720 kada linggo ang gastos sa gasolina ng mga mangingisda. Dahil dito, napipilitan silang mamamalakaya nang apat hanggang anim na oras na lamang, imbes sa kinagawiang walo para makatipid.

Tiyak na sisirit rin ang presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo sa susunod na mga buwan. Dagdag gastos na naman ito sa transportasyon, pagbili ng pagkain, panggatong para sa pagluluto at iba pa. Napipilitan ang mamamayan na indahin ang mga ito sa harap ng kawalang subsidyo at ayuda sa napakaraming kulang ang kita at walang trabaho. (Noong Setyembre, muling pumalo sa 8.9% ang tantos ng walang trabaho, panguhanin dulot ng pagkasira ng mga sakahan. Tinataya namang lalampas sa 5% ang tantos ng implasyon sa susunod na mga buwan. Pinakamabilis ang pagsirit ng mga presyo ng pagkain at inumin, na nasa 5.6% na noong Setyembre.)

Samantala, nagdiriwang ang mga multi-bilyunaryong mga kapitalistang nagmamay-ari sa Petron, Shell Philippines, Chevron, Phoenix at iba pang kumpanya ng langis. Walang sagkang nakapanghuhuthot ng kita ang mga kumpanyang ito sa ilalim ng batas sa deregulasyon sa industriya ng langis.

Sa unang hati ng taon pa lamang, nagtala na ang Petron, na pagmamay-ari ng kumprador na si Ramon Ang, ng ₱3.87 bilyong netong kita. Ang Shell Philippines naman ay nag-ulat ng ₱2.2 bilyong kita. Ang mas maliit na kumpanyang Phoenix, na pagmamay-ari ng kroni na si Dennis Uy, ay kumita ng ₱252 milyon sa parehong panahon.

Milyun-milyon din ang nalilikom na pondo ng burukrata-kapitalistang rehimen sa pagtaas ng mga presyo. Sa pag-aaral ng Ibon, umaabot sa ₱6.72 kada litro ng diesel, ₱6.33 kada litro ng gasolina at ₱33 kada 11-kilong tangke ng LPG ang hinuhuthot ng gubyerno sa excise tax pa lamang. Kung isususpinde ang lahat ng nakapataw na buwis sa mga ito, maaari pang umabot sa ₱17.50 o 25% ang mababawas sa presyo ng diesel kada litro at ₱11.35 o 22.7% kada litro ng gasolina. (Ibinatay ang kalkulasyon sa presyong ₱50/litro ng diesel at ₱70/litro ng gasolina.)

Sinalubong ng iba’t ibang protesta ang walang-awat na pagtaas ng presyo ng langis mula huling linggo ng Oktubre sa Metro Manila, Cebu, Panay at iba pang lugar. Ipinanawagan ng mga nagpuprotesta ang kagyat na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo, pagbabasura ng batas na nagderegularisa sa industriya ng langis at muling pagnasyunalisa sa kumpanyang Petron.

Leave a comment