Opensiba ng BHB sa Iloilo

Pinasabugan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Panay ang nagpapatrulyang kontra-insurhensyang yunit ng 606th Mobile Company ng pulis noong Oktubre 24 sa Barangay Jolason sa bayan ng Tubungan, Iloilo. Dalawang pulis ang nasugatan sa opensiba. Bago nito, pinaputukan ng BHB ang detatsment ng naturang yunit sa katabing Barangay Mayang sa parehong araw.

Sa Masbate, tatlong pulis ng 2nd Police Mobile Force Company ang napaslang at dalawang iba pa ang sugatan sa opensibong aksyon ng BHB-Masbate sa Barangay Badiang, Catangian noong Oktubre 9.

Noong Setyembre 20, pinaputukan ng BHB-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) ang nag-ooperasyong tropa ng 46th IB sa Barangay Bugho, Pinabacdao. Isa ang kumpirmadong napatay habang apat ang nasugatan sa mga sundalo. Samantala, sinunog ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command) ang iniwang kampo ng 20th IB sa Barangay San Miguel, Las Navas noong Setyembre 1.

Leave a comment